Manindigan para sa Ating Demokratikong Karapatan sa Edukasyon! Tutulan ang Pagkakaltas ng Pondo sa mga SCUs at Serbisyo Sosyal!
8 August 2011
Opisyal na pahayag ng League of Filipino Students Muli na namang kinaltasan ng Administrasyong Aquino ang pondo para sa mga State Universities and Colleges (SCUs) ng bansa para sa susunod na taon (2012). Sa kasalukuyang ipinalabas na National Expenditure Program (NEP) ng pamahalaan, mula sa Php1.816 Trilyong pondo para sa 2012, Php21.8 B lamang ang proposed budget ng Department of Budget and Management (DBM) para sa SCUs na siyang isasalang sa kongreso. Ito ay mas mababa ng 0.64% sa Php22.03 B naipasang budget para sa taong 2011. At ni isang SCU sa buong bansa ay hindi makatatamasa ng ni sentimo ng Capital Outlay dahil sa muli ay walang inilaang pondo para rito – walang inilaang pondo para sa pagtatayo ng mga panibagong mga imprastruktura sa pamantasan at procurement ng mga panibagong pasilidad na kailangan ng mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral. Parikular sa Unibersidad ng Pilipinas, mula sa Php17 B na budget proposal para sa 2012, Php5.54 B lamang ang inapruba ng DBM. Ito ay 3.6% na mas mababa kung ikukumpara sa budget para sa 2011. Kalakip nito ay bumaba rin ang budget para sa pagpapanatili at pagpapaayos ng mga pasilidad sa pamantasan (MOOE), -20.6. Kapansin-pansin din na sa kabila ng pagkakapasa at full implementation ng Salary Standardization Law 3 (SSL3) ay bumaba ng 0.5% ang pondo para sa Personal Services ng pamantasan. Bagamat may bahagyang pagtaas sa pondo ng DepEd, hindi naman maitatangging ang pondong ito ay kulang na kulang at hindi pa rin sasapat sa mga kakulangan sa pasilidad sa mga paaralan. Nanatiling kapos pa rin ito kung susundin ang rekomendasyon ng UN na 6% ng GDP. Ang mahigit Php30 B dagdag sa pondo nito mula sa Php207.3 B pondo sa 2011 ay nakatuon sa awtomatikong dagdag sa sahod ng mga guro at empleyado ng paaralan dulot ng pagkakaapruba ng full-implementation ng Salary Standardization Law 3 (SSL3). Dagdag din, ang pondong ito ay hindi rin naman kagyat na mapakikinabangan ng mga mag-aaral para sa mga dagdag na libro, silid-aralan at iba pa sapagkat ito ay nakaturol sa paghahanda para sa ganap na implementasyon ng K+12 na programa ng pamahalaan kung saan dadagdagan ng dalawang taon ang basic education. Maliban sa panibagong kaltas sa pondo ng edukasyon, partikular sa mga SCUs, nananatili pa ring mababa ang inilalaang pondo ng pamahalaan para sa pangkalusugang serbisyo. Walang Pera ang Gobyerno? Habang patuloy ang malakihang pagbabawas sa pondo para sa edukasyon, tila umulan naman ng grasya nang magbuhos muli ng limpak-limpak na pondo ang pamahalaan para sa pambayad sa utang-panlabas, militar, dole-outs at mga proyektong malapit sa kurapsyon. Para sa 2012, Php738.57 B ang inilaan ng gobyerno para sa pambayad utang-panlabas, Php107.9 B para sa Department of National Defense (dagdag Php3.2 B), Php39.5 B para sa CCT (mas mataas ng Php10.3 B kumpara sa 2011), Php21.1 B para sa PPP (Php6.9 B na dagdag) at Php161 B ang inilaan para sa Unprogrammed Funds ng Pangulo (mas mataas ng halos Php100B kumpara sa 2011). Habang patuloy na binabawasan ang pondo para sa sektor ng edukasyon, bilyun-bilyon naman ang inilalaan ng gobyerno para sa mga dole-outs at mga ahensyang kakambal lagi ang korupsyon. Samakatuwid, habang walang pera ang gobyerno para sa mga libro at mga silid-aralan, may pera naman itong pambili ng baril, bala at pera para sa sariling bulsa. Budget Cut: Tahasang Pagkukumersyalisa sa Edukasyon at Pag-aabandona ng Estado Sa muling pagkakaltas sa pondo ng mga pamantasan, mas lalo lamang na nabibigyan ng dahilan ang mga administrador ng mga pamantasan na magtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Mas lalo lamang na nabibigyan na dahilan ang mga pamantasan na buksan ang mga pintuan nito para sa mga pribadong entidad na gamitin ang mga natiwangwang ng mga assets ng pamantasan para sa negosyo. Ang mababang budget para sa MOOE ay nangangahulugan ng kawalan ng pondo para sa pagpapanatili ng mga pang-araw-araw na mga operasyon ng pamantasan at ang kawalan ulit ng alokasyon para sa CO ay magbubukas para sa mga pribadong negosyante na pasukin ang mga pamantasan para sa kani-kanilang mga negosyo. Ito ay magbubunga ng mga panibagong bayarin na tiyak na kukunin na naman sa mga mag-aaral. Kung matatandaan, ang Php300 Milyong kaltas sa budget ng UP noong 2006 ay sinundan ng 300% na pagtaas sa matrikula at iba pang mga bayarin. Gayundin, nang maranasan ng pamantasan ang pinakamalaking kaltas sa buong kasaysayan nito, natamasa naman ng mga mag-aaral ang “virtual” tuition fee increase sa mukha ng pagbabago ng proseso ng Socialized Tuition and Financial Assistance Program (STFAP). Sa muling pagbabawas ng pondo ng mga SCUs, mas lalong tumingkad kung papaanong isinusulong ng gobyerno mismo ang pagkukumersyalisa at tuluyang pagsasapribatisa sa edukasyon. Matagal ng plano ng pamahalaan na tuluyang kunin ang pinansyal nitong responsibilidad sa sektor ng edukasyon. Ang gradwal at malakihang pagbabawas sa pondo ng mga SCUs at mga batayang serbisyo sosyal tulad ng kalusugan ay kasama sa grandiyoso nitong plano na neo-liberal na edukasyon kung saan gradwal ang pagbabawas sa pondo para sa sektor ng mga basehang serbisyong panlipunan upang pumasok ang mga pribadong entidad at kapital dito na siyang nakatali rin naman sa imperyalismong dijta at tulak sa pamamagitan ng IMF-World Bank. Isang tuwirang pag-aabandona sa pinansyal na responsibilidad nitong magbigay ng mataas na subsidyo sa edukasyon ang paglalaanan ng napakababang budget para sa edukasyon, partikular sa mga SCUs. Muling Tumindig at Mas Palawakin pa ang Hanay ng mga Kabataang Lumalaban Tuwiran at hayagan na ang pambubusabos ng Rehimeng Aquino sa karapatan natin na makapagkamit ng isang mura ngunit dekalidad na edukasyon. Isa itong tahasang pagsasawalang-bahala sa hinaing ng mga mamamayan na tumiwalag sa gapos ng kawalang-pag-asa dulot ng tumitindig krisis sa ating lipunan. Pinatunayan lamang ng kasalukuyang Rehimen kung gaano ka-bulok at katakut-takot ang ipinangangalandakan nitong “Matuwid na Daan.” Sa ngayong papatindi ang krisis na nararanasan ng sambayanan, ngayon lalo’t higit nating kailangang magkaisa at muling lumaban. Ang laban nating ito ay laban hindi lamang ng mga kabataan kundi laban din ng mga ordinaryong magsasaka at manggagawa na ang tanging nais ay maipasok ang kanilang mga anak sa mga paaralan at pamantasan. Palagi’t palagi ay napatutunayan natin na mas lalo tayong malakas kung ang hanay natin ay nagkakaisa at nagsasama-samang nakikipaglaban. Ang 19 July 2011 na pagkilos ng 2500 na mga kabataan sa Iloilo ang isang matibay na ebidensya ng ating sama-samang lakas. Muli ay tumindig tayo. Ating tutulan ang mga anti-estudyante at anti-mamamayan na mga polisiyang nagpapahirap nang lalo sa mga mamamayan. Magmatiyag tayo. Mag-aral. Ngunit higit sa lahat, maglingkod at lumaban tayo. Dahil ang nagkakaisang lakas natin ang ating tanging sandata upang tuluyang wakasan ang makauring sistemang umiiral sa lipunan at upang ganap na mapagwagian natin ang tunay na pagbabago at paglaya ng sambayanan. Sulong Iskolar! Tayo ay muling lumaban! Say NO sa Budget Cut ni Aquino! Tutulan ang Budget Cut sa UP at sa mga SCUs! Tutulan ang mga Neo-liberal na mga Polisiya sa mga batayang Serbisyong Panlipunan! Edukasyon ay Karapatan! Tumindig at Ipaglaban ang mas mataas na Budget para sa Edukasyon! ISULONG ANG ISANG MAKABANSA, SIYENTIPIKO AT MAKAMASANG URI NG EDUKASYON! | be involved |