Opisyal na Pahayag ng SAMASA-PA sa mga Naganap sa Nakaraang Eleksyon sa CAS-SC7 March 2011
Ang Sandigan para sa Mag-aaral at Sambayanan Party Alliance (SAMASA-PA) ay muling tumindig at napangibabawan ang hamon ng isa sa pinakamaruruming kampanyang eleksyong pangkampus sa kasaysayan ng Kolehiyo ng Agham at Sining (CAS). Mula sa simula ng kampanya hanggang sa natapos ito, hindi maitatanggi ang maruming takbo na siyang naging laman ng mga usapan sa loob ng pamantasan. Mula sa isang nagpakilalang “Don’t Vote Samasa” sa facebook na nagpalabas ng mga walang basehang alegasyon at paninira laban sa mga kandidato ng SAMASA-PA at sa buong partido-alyansa hanggang sa mga walang basehang atake laban sa Pagbutlak, ang opisyal na pahayagan ng CAS; hanggang sa masagwang pang-aagaw ng mikropono noong nakaraang Grand Rally. Ang Grand Rally ay isa sa mga pinaka-inaabangang parte sa bawat halalan sapagkat ito ang lugar kung saan detalyadong ipiniprisenta ng bawat partido ang kani-kanilang mga plataporma para sa susunod na taong pang-akademiko. Ito rin ay nagsisilbing daluyan ng mga ideyang kanilang pinaninindigan at pinaniniwalaan. Ngunit, taliwas sa inaasahang matiwasay at mapayapang kondukta ng Grand Rally, ito ay nabahiran ng mga barbarikong akto. Sa Open Forum sumiklab ang ‘di inaasahan. Dahil sa kakapusan sa oras, minabuti ng Student Electoral Board (SEB) na igsian ang oras para sa Open Forum at pinahintulutan si Angeli Louise Cando, ang kasalukuyang Chairperson ng UPV University Student Council, national Chairperson ng Katipunan ng mga Sangguniang Mag-aaral sa UP (KASAMA sa UP), at miyembro ng partido-alyansang SAMASA, na magbigay ng huling tanong. Sa ganang nais ding magtanong ang iba na mula sa Partido sang Mainuswagon nga Bumulutho (PMB), dagli silang tumutol sa desisyon ng SEB na magbigay ng huling katanungan si Cando at humingi ng 10-minute extension. Subalit, dahil na rin sa hindi na maaaring i-extend ng SEB ang Open Forum gawang lagpas na rin ito sa oras, hindi pumayag ang SEB sa apela ng ilang mga miyembro ng PMB at itinulot na ang pagbibigay ng huling tanong. Iniukol ni Cando ang kanyang tanong kay Leo John Nathaniel Estrada, isa sa mga kandidato ng PMB sa pagkakonsehal, at matiwasay naman itong naibigay. Ngunit, nang dumako na para sa follow-up question si Cando, dagliang tinakpan at pwersahang hinatak ng iilang miyembro ng PMB sa pangunguna nina John Christopher Clavesillas (kasalukuyang UPV-USC Secretary-General), Michelle Morales (kasalukuyang Governor ng Redbolts), Eliseo Vargas Jr., Rejay Alvarado, at ilan pa, ang mikropono upang maagaw ito mula sa pagkakahawak ni Cando. Sa katunayan, ang katanungan lang naman ay kung hindi ba alam ni Estrada na isa ang Akbayan Partylist sa pumirma at nag-apruba sa 2011 General Appropriations Act kung saan nakalakip ang budget cut sa edukasyon, kalusugan at iba pang mga social services. Ngunit, gayunpaman, hindi na agad ito naitanong ni Cando sapagkat tinanggal ng isa sa mga nasabing miyembro ng PMB ang kord ng mikropono at kahit sa kabila ng kanyang pagsisikap na mailahad ang katanungang alam niyang may kabuluhan kahit na walang mikropono, walang dangal na nag-ingay ang buong bloke ng PMB upang hindi marinig ang katanungan ni Cando. Ang SAMASA-PA ay mariing pinupuna at binabatikos ang tahasang pambabastos, pang-aagaw ng mikropono at panghaharang na magsalita na ginawa ng PMB kay Angeli Louise Cando. Bagamat nakapagpalabas din ng isang Open Letter si Clavesillas noong ika-4 ng Marso 2011 tungkol sa naganap, mariin pa rin naming pinupunto na ang mga aktong ito ay hindi lamang bunsod ng emosyon. Sina Clavesillas at Morales, bilang kasalukuyang may pinanghahawakan na mga posisyon sa CAS-SC, ay marapat lamang na sumunod sa wasto at prinsipyadong asal. Sa nangyari noong Grand Rally tila nakalimutan ng dalawa na sila ay iniluklok ng mga mag-aaral sa pwesto upang maglingkod at magrepresenta ng mga Iskolar ng Bayan. Bagamat nagpahayag na ng paumanhin si Clavesillas, hindi maipagkakaila ang nais niyang palabasin – na pinabubulaanan niya na may mga tao siyang nabastos at hindi niya kasalanan ang lahat ng nangyari. Naniniwala ang SAMASA-PA na ang usaping ito ay hindi lamang usapin sa kung sino ang kumuha ng mikropono kay sino; hindi lamang usapin ng pagtatakip sa mikropono; at hindi lamang usapin ng “self-control.” Ito ay isang usapin na may malalim na pinag-ugatan at usapin na may dimensyong panlipunan. Mariin naming tinututulan ang kanyang pahayag na “I only covered it because she was continuously speaking… I just wanted to keep the microphone and stand in an erected position.” Hindi lamang isang simpleng pagtakip sa mikropono ang nangyari at lalong higit hindi lamang si Clavesillas ang naroon upang pigilan ang pagsasalita ni Cando. Ang nangyari ay isang akto ng hindi pagkilala sa karapatang magsalita ng taong binigyan ng pahintulot na magsalita. Kung nais lamang ni Clavesillas na panatilihin ang mikropono sa tuwid nitong posisyon, dapat ang mismong base ng mikropon ang kanyang hinawakan. Dagdag pa, walang karapatan ang kahit na sino na kumuha ng mikropono o pumigil sa pagtatanong maliban na lamang sa mga miyembro ng SEB. Kung anuman ang mga pahayag ng SEB, hindi ito narinig pa dahil sa pagtindi ng komosyon. Aming kinikilala ang personal na pagsisikap ni Clavesillas na ipaliwanag ang kanyang sarili. Ngunit,nakadidismaya lamang na sa halip ay buong puso niyang akuin ang maling ginawa, binigyang katarungan niya pa at pinabulaanan ang katotohanang nasaksihan ng marami. Naniniwala ang SAMASA-PA na ang paghingi ng tawad ay paghingi nang walang kahit anong kondisyon o kahit na anong akto ng panghuhugas-kamay at pagbabaliktad sa totoong naganap. Nasaksihan ng mga mag-aaral na naroon sa CFOS-AV kung papaano ang isang simpleng follow-up question ay sumapit sa isang magulong agawan ng mikropono at tawanan mula sa bloke ng kabilang partido. | be involved |