Pagpupugay sa mga Iskolar ng Bayan! Magpatuloy at Maglingkod sa Bayan!25 September 2011
Pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng mga Iskolar ng Bayan na lumahok sa kilos-protesta noong ika-23 ng Setyembre 2011 upang tutulan ang panibagong pagkakaltas sa pondo ng UP at mga SUCs at upang igiit ang mas mataas na subsidyo para sa edukasyon at batayang serbisyong panlipunan! Hindi biro ang ginawa nating pagliban sa ating mga klase upang makiisa sa laban ng buong mamamayan, ngunit pinili pa rin nating sumama at magmartsa sa lansangan kasama ang iba pang mga Iskolar ng Bayan sa iba pang mga pamantasan dahil batid nating ito ay tama. Sa kabila ng napakaraming exams, nangibabaw pa rin ang ating paninindigan. Ating ipinakita at pinatunayan na hindi hadlang ang mga exams upang ipagpatuloy natin ang ating paggigiit para sa ating karapatan. Hindi tayo natinag sa init ng araw at bulusok ng mga sasakyan. Ipinakita lamang natin na nananatili pa ring nag-aalab ang dugo ng isang tunay, palaban at makabayang Iskolar ng Bayan. Sa ginawa ng mga Iskolar, Kawani at Guro ng Bayan sa buong bansa, tiyak na nakalampag natin ang ating pambansang pamahalaan. At kung mananatili pa rin silang bingi sa ating mga daing at patuloy na lilinlangin ang buong mamamayan, hamon ulit sa atin na magpatuloy sa paglaban. Hamon din sa atin na mga Iskolar na palagi, sa ating bawat laban, ay huwag nating ihihiwalay ang ating mga sarili sa mga mamamayan lalo’t higit sa batayang masa. Dapat ay mas pahigpitin pa natin ang ating pakikiisa sa kanila dahil hindi naman hiwalay ang ipinaglalaban natin sa ipinaglalaban nila. Ang krisis na nararanasan nating mga kabataan at ng buong sambayanan ay bunga ng isang mapang-api at mapagsamantalang sistemang panlipunan na hindi natin kailanman ninais. Hangga’t ito ay nananatili, magpapatuloy pa rin ang pagpapahirap sa buong mamamayan. Hangga’t ito ay hindi nalalansag patuloy din ang paglaban at pagkilos ng mga mamamayan. Sa kasalukuyang kaganapan sa ating bayan, napapanahon ang mga malawakang pag-aaral ng lipunan at malakihang mga pagkilos. Napapanahon ang pagkukwestyon at pagtutol sa kasalukuyang daloy ng ating lipunan. Napapanahon ang pagpapataas ng antas ng ating kamulatan at pakikibaka. Ang hindi pagtindig at paglaban sa panahon ng matinding pangangailangan ay pagtalikod sa tunay na esensiya ng pagiging isang Iskolar ng Bayan. Ito ay isang krimen sa mga mamamayan. Sulong Iskolar! Patuloy na manindigan! Paglingkuran ang sambayanan! | be involved |